--Ads--

Naglabas ng tatlong Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa mga rehistradong may-ari at mga drayber ng tatlong sasakyang nasangkot sa malagim na banggaan sa E. Rodriguez Sr. Avenue, tapat ng St. Luke’s Medical Center sa Brgy. Kalusugan.


Batay sa dashcam footage at imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector 4, unang nakasagi ng isang Yamaha Mio Aerox motorcycle ang isang Toyota Fortuner matapos mag-counterflow sa kalsada.

Ilang segundo matapos ang insidente, dumating ang isang Ford Raptor na tila humahabol sa Fortuner. Dahil sa nakahandusay na motorsiklo at rider, agad itong nagpreno.

Sumalpok naman sa likod ng Raptor ang isa pang Toyota Hilux, na nagdulot ng karagdagang aksidente.

--Ads--


Agad na ipinag-utos ni LTO chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang 90-day preventive suspension sa mga lisensya ng mga drayber ng Fortuner, Raptor, at Hilux, inatasan din silang isuko ang kanilang mga lisensya sa LTO.

Posible ring tuluyang bawiin o i-revoke ang kanilang lisensya dahil sa mga paglabag na Reckless Driving at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Bukod dito, mananagot ang drayber ng Fortuner sa kasong Driving Against Traffic dahil sa pag-counterflow.


Batay sa SCO, kinakailangang humarap sa hearing ang mga may-ari at drayber ng tatlong sasakyan sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City.

Sila ay dapat magsumite ng kani-kanilang Verified Comment/Explanation upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat panagutin sa mga paglabag.

Inilagay na rin sa ilalim ng Alarm ng LTO ang Fortuner, Raptor, at Hilux, na nagbabawal sa anumang transaksyon kaugnay sa mga sasakyang ito hanggang matapos ang imbestigasyon.


Muling nagpaalala si Lacanilao na ang counterflowing, reckless driving, at iba pang mapanganib na gawain sa kalsada ay hindi lamang paglabag sa batas trapiko, kundi naglalagay rin sa panganib ang buhay ng ibang motorista at pasahero.