--Ads--

Nakapagtala ng ilang serye ng pagguho ng lupa ang Dinapigue, Isabela dahil sa walang patid na pag-ulan.

Ayon kay Mayor Vicente Mendoza, nakaranas sila ng sunod-sunod na landslide mula nang bumuhos ang malakas na ulan sa kanilang bayan.

Naging puspusan ang isinagawa nilang clearing operations sa lugar, partikular sa Barangay Dibulo–to–Aurora Road.

Aniya, unang naitala ang landslide nitong Lunes, subalit dahil sa malakas na pag-ulan ay muli itong gumuho.

--Ads--

Sa katunayan, ilang mga sasakyan ang hindi nakadaan sa lugar noong Lunes. Gayunman, dahil sa maagap na clearing operations ay mabilis ding nalinis ang area, sapagkat putik at tubig lamang ang kinakailangang alisin.

Mapalad naman na walang mga residente ang naapektuhan sa serye ng pagguho ng lupa. Hindi rin nakapagtala ng panganib para sa mga dumadaang motorista dahil may slope protection sa ilang bahagi ng kalsada, subalit sa mismong lugar kung saan naitala ang pagguho ay walang proteksiyon.

Sa ngayon, pinag-aaralan na rin nila ang paglalagay ng slope protection sa mismong landslide-prone area upang mapanatiling bukas ang kalsada na nag-iisang access sa pagitan ng Dinapigue at Aurora.