--Ads--

Mahigit isang dekada na ang nakalipas nang si Atty. Ross Tugade ay tumulong sa mga biktima ng Martial Law upang makuha ang kanilang reparations. Ngayon, sa edad na 35, siya ay opisyal nang kabilang sa hanay ng mga accredited Filipino lawyers sa International Criminal Court (ICC).


Kamakailan, tinanggap ng ICC Registrar ang aplikasyon ni Tugade bilang assistant to counsel, at siya ay nakasama sa listahan kung saan naroroon din ang kapwa Filipino human rights lawyer na si Kristina Conti.

Ang ICC ang tribunal na humahawak sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang war on drugs.

Bilang assistant to counsel, maaari na siyang piliin ng defense counsels o ng legal representatives ng mga biktima upang tumulong sa mga ICC proceedings.

--Ads--

Nagsimula si Tugade bilang legal officer sa Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB), na nilikha sa ilalim ng Republic Act No. 10368 upang tumanggap at magproseso ng reparations claims ng mga biktima ng Martial Law sa ilalim ng diktadurang Marcos.

Nagsilbi din siya bilang executive assistant sa parehong board, kung saan pinangasiwaan niya ang mga abogado at paralegal sa paggawa ng mga resolusyon kaugnay ng reparations.

Taong 2018 lumipat siya sa Commission on Human Rights (CHR), kung saan sinuri niya ang mga pattern ng malawakang human rights violations sa bansa. Pinangunahan ng kanyang team ang ulat ng CHR tungkol sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng war on drugs ni Duterte.

Naging fellow siya sa Center for International Law, kung saan humawak ng mga public interest cases, tumulong sa mga petisyon laban sa kontrobersyal na anti-terrorism law at naging bahagi ng petisyon para sa writ of amparo para sa isang urban poor community na naapektuhan ng drug war.