--Ads--

Nagsagawa ngayong araw ng Employers Forum ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 upang pag-usapan ang mga labor standards na dapat ipatupad sa pagitan ng employer at employees.

Dinaluhan ito ng iba’t ibang mga employer mula sa iba’t ibang sektor sa lalawigan ng Isabela.

Kabilang sa tinalakay ang kamakailang wage increase ng mga empleyado sa Lambak ng Cagayan, kung saan itinaas na sa ₱500 ang minimum wage.

Binanggit din ang wage exemption para sa mga employer na mayroong 10 empleyado at yaong mga naapektuhan ng mga kalamidad.

--Ads--

Sinagot ng DOLE ang ilang katanungan ng mga employer hinggil sa wage distortion, kung saan nagkakaroon ng concern sa mga empleyado dahil sa pagbabago sa minimum wage.

Ayon kay Provincial Director Reginald Estioco ng DOLE Isabela, mahalaga ang ugnayan ng empleyado at employer kung paano maia-address ang usaping ito at kung paano gagawin ang adjustment sa sahod ng mga empleyado.

Sakaling hindi magkasundo, maaaring lumapit ang employer at empleyado sa DOLE upang maayos ang problema.

Binigyang-diin din ng DOLE ang kanilang karapatan na magsagawa ng interview sa mga empleyado ng isang partikular na kumpanya o negosyo upang matukoy kung nakakasunod ang mga ito sa labor standards.

Ayon sa DOLE, hindi sila saklaw ng data privacy sa puntong ito dahil bahagi ito ng kanilang mandato.