--Ads--

Diskusyon ng 2026 National Budget sa Bicameral Conference Committee i-la-live broadcast para tiyakin umano ang pagpapanatli ng transparency.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Political Analyst at Constitutional Law Expert Atty. Michael Henry Yusingco, dapat tutukan ng publiko ang pag-usad ng 2026 national budget, lalo’t nasa kritikal na bicameral conference stage na ito. Giit niya, malinaw ang pangako ng administrasyon at mga mambabatas na gawing transparent at i-livestream ang proseso, kaya panahon na para bantayan ito nang mabuti.

Paliwanag ni Atty. Yusingco, iisa lang ang mandato ng bicameral panel, ito ay ang ayusin ang pagkakaiba ng House of Representatives at Senate versions. Hindi sila maaaring magdagdag, magbawas o magsingit ng probisyon na hindi pinag-usapan sa plenaryo. Aniya, ipinagbawal na ng Supreme Court ang mga “insertions” at paglipat-lipat ng pondo na gaya ng nangyari sa 2025 national budget.

Dagdag niya, anumang insertion sa bicam ay unconstitutional, unlawful, at undemocratic, dahil tapos na ang deliberasyon at aprubado na sa plenaryo ng dalawang kapulungan ang kani-kanilang bersyon.

--Ads--

Tinukoy pa ng eksperto na hindi dapat maging “third chamber” ng Kongreso ang bicameral conference committee. Tapos na umano ang major works tulad ng deliberasyon, committee hearings, at third reading sa lebel ng mga mambabatas bago pa man makarating sa bicam. Mekanismo lang ito para ayusin ang final wording ng bill, hindi para muling magsingit ng alokasyon.

Umaasa si Yusingco na wala nang dagdag-bawas, walang political aid, at walang pondong maililihis sa personal na agenda ng sinumang opisyal. Aniya, mahirap magtiwala kung mauulit ang nakaraang iregularidad, kaya dapat samantalahin ng publiko ang pangakong transparency.