Maaaring magsampa ng reklamo ang isang empleyado sa National Labor Relations Commission (NLRC) kapag sapilitang pinasayaw at pinasali sa mga aktibidad sa Christmas party.
Ito ang paalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa gitna ng mga kabi-kabilang Christmas at Year end party na idinaraos ngayong Disyembre.
Ayon sa kagawaran, dapat igalang ang kultura, relihiyon, at personal na desisyon ng mga manggagawa sa mga isasagawang aktibidad.
Ayon sa ahensya, nakalahad sa Labor Code na hindi maaaring pilitin ang isang empleyado, lalo na kung wala ito sa kanyang tungkulin o job description.
May posibilidad ding maharap ang isang employer sa paglabag sa Safe Spaces Law.
Hinikayat naman ng Labor Department ang isang maayos at marespetong pagdiriwang ngayong holiday season.





