Nag-uunahan nang magpa swap ng generic cylinders ang mamamayan sa lungsod ng Cauayan matapos maanunsyo ng Department of Energy (DOE) at ilang kumpanya na hanggang sa katapusan ng Disyembre na lamang ang swapping.
Kaugnay nito ay kanya-kaniyang bili na ng Liquified Petrolium Gas (LPG) ang mga residente sa pagbabakasakali na mapalitan na ang kanilang lumang tangke.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Robinson John Calderon, dealer, sinabi niya na sa ngayon ay umaabot sa 5-10 na customer ang nagpapapalit ng tangke araw-araw dahil sa pangamba na hindi na nila ito magamit sa susunod na taon.
Paglilinaw niya na libre lamang ang swap ng cylinder subalit kung may sira o hindi na maayos ang tangke, mayroon na itong bayad. Tulad na lamang aniya ng sirang foot ring na mayroong charge na P175 at ang Swing na may P350.
Kung wala namang sira o depekto ang mga cylinder na ipapalit ay wala naman umanong sisingilin na charge o bayad.
Sa ngayon, dalawang kumpanya aniya ang nag offer ng libreng swapping gayunpaman ay nagkakaubusan naman aniya ang mga bagong tangke dahil maraming naghahabol na magpa swap sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sinasamantala naman aniya ng mga residente na magpa swap dahil hindi na nila magagamit pa sa susunod na taon ang lumang tangke sa halip ay kinakailangan na nilang bumili ng bago na nagkakahalaga ng P2,200- P3,400 kasama na ang laman.
Tumatanggap pa rin naman ng swapping ang mga dealer hangga’t maaga pa dahil kadalasan umanong inaabot ng 1 week ang pagpapalit ng tangke lalo na ngayon at dagsa ang swapping.
Samantala, ang presyo na ngayon ng LPG local brand ay nagkakahalaga ng P780-P850 pesos habang ang mga kilalang brand naman ay nagkakahalaga ng P1,009 matapos tumaas ng P2 kada kilo nitong nakaraang price adjustment.








