--Ads--

‎Inihayag ng ilang lokal vendor sa Cauayan City na hindi pa lubusang nararamdaman ang pagdagsa ng mamimili kahit papalapit na ang peak season.

‎Ayon kay Ate Janneth Bulacan, vendor ng iba’t ibang kakanin, karaniwan ay nauubos agad ang kanilang paninda ngunit sa kasalukuyan may mga natitirang produkto pa rin, na nagpapakita na ordinaryong araw pa lamang ang bentahan, at hindi pa ramdam ang inaasahang pagtaas ng demand.

‎Aniya, sa mga ganitong ordinaryong araw limitado lamang ang produksyon at packaging, kadalasan ay plastik lamang ang ginagamit.

‎Samantalang sa peak season, gumagamit sila ng bilao upang maipresenta ang mas malaking order nang maayos at mas kaakit-akit sa mga mamimili.

‎Usong-uso rin sa kanila ang pa-order ng mga mamimili, kung saan nakabatay sa araw ng pagreserba ang dami ng order at presyo.

‎Paliwanag ni Bulacan na mas ligtas sa kabuhayan ng vendor ang maagang pa-order dahil nakakatulong ito upang maayos ang produksyon at maiwasan ang sobra o kulang na stock, lalo na sa panahon ng peak season.

‎Sa kabila ng maagang pag-order, nananatiling hamon para sa mga vendor ang hindi tiyak na bentahan sa mga susunod na linggo, na direktang nakakaapekto sa kanilang kabuhayan at kita.

‎Inaasahan na sa peak season ay dadagsa ang mga mamimili sa ika-dalawamput apat at ika-tatlumput isa ng Disyembre, na maaaring magdulot ng kakulangan kung hindi maayos ang pa-order at produksyon.

‎Dahil dito, hinihikayat ng mga vendor ang publiko na magpa-reserve nang maaga upang masigurong may makukuhang paninda at maiwasan ang kakulangan sa oras ng peak season.

‎‎Ibinahagi rin ni Ate Janneth ang kasalukuyang presyo ng kanilang paninda sa karaniwang araw, kung saan ang suman ay ₱5 bawat isa; sliced bibingkang kanin, ₱10 bawat hiwa; tinudok, ₱20 bawat isa; dendelot, ₱25 para sa apat na piraso; calamay, ₱50 kada plato; cassava cake, ₱50 hanggang ₱70 kada piraso depende sa laki; at bibingkang giniling, ₱120 per piraso.