Hindi pabor ang isang Political Analyst sa bersyon nina Speaker Bojie Dy at Rep. Sandro Marcos sa isinusulong na Anti-Political Dynasty.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang Political Analyst, sinabi niya na hindi sila pabor sa inihaing anti-political dynasty ni Speaker Bojie Dy at Rep. Sandro Marcos.
Aniya, mataas pa rin kasi ang tiyansa na dominahin pa rin ng iisang pamilya ang isang lugar na dapat iwasan.
Para sa kaniya, dapat ang isang geographical area o probinsya ay hindi pamunuan lamang ng iisang pamilya, at isa sa konkretong halimbawa dito ang Lalawigan ng Isabela at Maguindanao.
Idinagdag pa niya na hindi rin siya pabor sa isinusulong na Total Ban dahil ito ay undemocratic.
Ayon pa kay Atty. Yusingco, malinaw ang kanilang posisyon na tutulan ang pamumuno ng iisang pamilya lamang sa isang lugar.
Kung sakaling makalusot ang bersyon nina Speaker Dy at Rep. Marcos, posibleng itong maging status quo at mababawasan lamang ang bilang ng mga miyembro ng isang pamilya na makakatakbo sa isang public position nang sabay-sabay.
Aminado naman siya na hindi malabong magamit nina Speaker Dy at Rep. Marcos ang kanilang impluwensya para maisulong ang kanilang bersyon sa panukalang batas. Kaya dito papasok ang taumbayan na siyang magiging maagap sa pagbabantay sa naturang usapin.
Tutol din siya sa nais ng ilang mambabatas na i-certify bilang urgent ang anti-political dynasty bill upang madaliin ang pagsasabatas nito at bigyang-daan pa ang sampung panukalang batas na dapat talakayin na kasalukuyan pang nakabinbin ngayon sa Kamara.
Sa bersyon nina Dy at Marcos, nakasaad na ang asawa, kapatid, at mga kamag-anak hanggang ika-apat na civil degree ng isang halal na opisyal ay hindi maaaring sabay-sabay na humawak ng mga posisyong pampulitika. Saklaw nito ang lahat ng antas ng pamahalaan: nasyonal, probinsyal, lungsod, munisipal, at barangay. Tugon ito sa mandato ng Konstitusyon na tiyakin ang pantay na akses sa serbisyo publiko at ipagbawal ang political dynasty, na nananatiling laganap dahil sa kawalan ng batas na tahasang nagtatakda at nagbabawal dito.











