--Ads--

Paiigtingin ng Naguilian Police Station ang pagmomonitor at pagpapatupad ng mga alituntunin laban sa paggamit ng mga paputok, boga, at iba pang gawaing nagdudulot ng ingay at abala sa mga residente ng bayan, partikular na ang labis na paggamit ng videoke, ngayong papalapit ang holiday season.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Rey Bautista, Deputy Chief of Police ng Naguilian Police Station, sinabi niyang kabilang sa mga hakbang ng kanilang hanay ang panghuhuli sa mga mamamayang lalabag sa ordinansa kaugnay ng paggamit ng paputok, boga, at maingay na videoke.

Layunin ng mga hakbang na ito na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bayan, lalo na sa panahon ng kapistahan.

Ayon pa kay PLt. Bautista, magsasagawa rin ang kanilang hanay ng tambuli o roving patrol, kung saan iikot ang mga pulis sa mga kabahayan ng mga residenteng pansamantalang aalis at magbabakasyon sa ibang lugar upang maiwasan ang mga insidente ng pagnanakaw.

--Ads--

Isa rin sa mga pinaghahandaan ng Naguilian Police Station ang pagdating ng mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs) na inaasahang uuwi ngayong holiday season.

Kaugnay nito, magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng OFW Homecoming, kung saan sasalubungin at magkakaroon ng pagtitipon para sa mga OFW na nagmumula sa iba’t ibang bansa.

Ang aktibidad ay inorganisa ng lokal na pamahalaan ng Naguilian bilang bahagi ng kanilang programa para sa mga balikbayan.

Samantala, paalala naman ni PLt. Bautista sa publiko na kung maaari ay sa loob na lamang ng bahay mag-videoke at tiyaking hindi ito nakaaabala sa mga kapitbahay, lalo na kung lumalampas na sa itinakdang curfew hour, upang maiwasan ang anumang paglabag sa ordinansa.