Mas lalo pang pag-iigtingin ng Cauayan City Police Airport ang pagpapatupad ng Oplan Kontra Kontrata sa nalalapit na holiday season upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero sa paliparan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Onasis Culili, Chief of Police ng PNP Cauayan Airport, mahigpit na ipagbabawal ng kanilang hanay ang pangongontrata ng mga tricycle at van, lalo na sa mga biyaherong dumarating at umaalis sa paliparan.
Layunin ng operasyon na maprotektahan ang mga pasahero laban sa labis na singil at iba pang uri ng pananamantala, na kadalasang tumataas tuwing panahon ng kapaskuhan dahil sa dagsa ng mga residenteng bumabyahe.
Dagdag pa ni PMaj. Culili, magtatalaga ang pulisya ng karagdagang tauhan sa mga terminal at pick-up areas upang bantayan ang mga pampublikong sasakyan at agarang maaksyunan ang anumang reklamo ng mga pasahero.
Makikipag-ugnayan din umano ang PNP sa pamunuan ng paliparan at sa mga transport groups upang masiguro na nasusunod ang tamang pamasahe at umiiral na mga patakaran.
Hinimok naman ng PNP Cauayan Airport ang publiko na maging mapagmatyag at agad na i-report sa mga awtoridad ang sinumang mahuhuling nangongontrata o naniningil ng sobra.
Anila, ang kooperasyon ng mga pasahero at ng mga lehitimong drayber ay mahalaga upang mapanatili ang maayos, ligtas, at patas na transportasyon sa loob at paligid ng paliparan, lalo na ngayong papalapit na ang holiday season.











