Puntirya ng Santiago City Police Office ang zero casualty ngayong holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Saturnino Soriano, Tagapagsalita ng Santiago City Police Office (SCPO), sinabi niya na nakatakda silang mag-deploy ng mga tauhan sa iba’t ibang lugar sa lungsod ngayong unang Misa de Gallo.
Ayon kay Soriano, taon-taon ay naghahanda ang SCPO upang matiyak ang kaayusan sa buong lungsod, lalo na sa mga pampublikong lugar kabilang ang mga simbahan.
Bukod sa pagbabantay sa matataong lugar, nakaalerto rin sila upang pigilan ang anumang insidente ng pagnanakaw, partikular ang posibleng paglipana ng mga budol-budol gang at akyat-bahay gang.
Magiging masigasig din ang PNP sa monitoring ng bentahan ng mga regulated firecrackers sa itinalagang firecracker zone.
Paalala ni Soriano, tanging mga firecracker vendor na may permit lamang ang pinahihintulutang magbenta sa lugar. Ipinagbabawal din ang mga motorista na nagmamaneho ng motorsiklo o sasakyan na may modified mufflers.











