Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes na ang mga balikbayan box na matagal nang abandonado at hindi naasikaso ay sisimulan nang maibalik sa kanilang mga may-ari bago sumapit ang Kapaskuhan.
Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng mga bagong pasilidad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, sinabi ng Pangulo na sinimulan na ng Bureau of Customs (BOC) ang proseso ng pagpapalabas ng mga container van na naglalaman ng balikbayan boxes na ipinadala ng mga Overseas Filipino worker (OFW) para sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Ayon kay Marcos, may mga balikbayan box na halos isang taon nang nakatengga sa BOC dahil sa hindi nabayarang kaukulang bayarin ng mga nagdala o nagpadala ng mga ito.
Ipinaliwanag ng Pangulo na bagama’t nakarating na sa bansa ang mga padala ng OFW, nabigo umanong bayaran ng mga responsable sa paghahatid ang kinakailangang singilin sa Pilipinas, dahilan upang maiwan ang mga kargamento sa kustodiya ng Bureau of Customs.
Dagdag pa ng Pangulo, pormal nang sisimulan ang pagpapalabas at pagbabalik ng mga balikbayan box nitong Martes, Disyembre 16.
Binigyang-diin din ni Marcos na ang hakbang na ito ng pamahalaan ay dahil sa pinaigting na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, pagpapatibay ng mga institusyon, at mga repormang inuuna ang kapakanan ng mamamayan sa pamamahala.
Inaasahan namang magdudulot ng ginhawa at saya sa maraming pamilyang Pilipino ang pagbabalik ng mga balikbayan box, lalo na ngayong papalapit na ang Pasko.







