Nagsagawa ang Schools Division Office (SDO) ng Cauayan City ng upskilling program para sa mga Aral Tutors upang palakasin ang kanilang kasanayan sa pagtuturo at suportahan ang reading comprehension ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Gemma Bala ng SDO Cauayan, tinutukan sa training ang vocabulary development, reading comprehension, at oral language skills bilang bahagi ng pagpapahusay ng literacy instruction.
Aniya, 503 Aral Tutors ang inirekomenda ng kanilang school heads para sa karagdagang training upang mas epektibong matugunan ang kanilang tungkulin sa pagtuturo.
Binanggit din ni Bala na sa kabila ng mas mababa sa tatlong buwang pagtuturo sa mga estudyante, nakikita na ang positibong epekto ng tutoring sa kanilang kakayahang bumasa. Inaasahan niyang kung ipagpapatuloy ang programa hanggang Marso 2026, mababawasan ang bilang ng mga estudyanteng nahihirapan sa pagbasa.
Ang upskilling program ay bahagi ng Aral Reading Program, isang intervention ng SDO Cauayan na naglalayong tulungan ang mga estudyante sa pagbasa at pag-unawa at palakasin ang kalidad ng pagtuturo sa buong division.











