Tiniyak ng Malakanyang na patuloy pa ring hahabulin ng gobyerno ang mga posibleng lapses at liabilities ng Prime Water, sa kabila ng mga ulat na maaari na itong ma-takeover ng grupo ng negosyanteng si Lucio Co.
Ayon kay Castro, regular na nag-uulat ang Local Water Utilities Administration (LWUA) sa Pangulo kaugnay ng mga kakulangan at pananagutan ng Prime Water bilang water service provider.
Aniya, mananagot ang kumpanya kung mapapatunayan sa pamamagitan ng mga ulat at dokumento na may nagawa itong paglabag.
Samantala, sinabi rin ni Castro na may ginagawang hakbang ang LWUA para protektahan ang mga konsyumer.
Ayon kay LWUA Chief Legal Counsel Atty. Joyce Salonga, inaasahang maglalabas ngayong buwan ng memorandum circular na magbabawal sa pagputol ng serbisyo ng tubig sa mga concessionaires.
Dagdag pa rito, hindi rin dapat singilin ang mga konsyumer kung walang maayos na serbisyong naibibigay ang Prime Water.











