--Ads--

Nasawi ang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Catalina Cabral matapos umanong mahulog sa isang bangin sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba, Benguet, ayon sa ulat ng pulisya nitong Huwebes ng gabi.

Ayon sa Benguet Provincial Police Office, ang insidente ay ini-report ng mismong driver ni Cabral. Batay sa salaysay ng driver, bandang alas-3 ng hapon ay magkasama silang bumiyahe patungong La Union nang hilingin ni Cabral na huminto sa Kennon Road at iwan siya roon. Pagkatapos nito, nagtungo ang driver sa isang malapit na gasoline station.

Nang bumalik ang driver bandang alas-5 ng hapon, hindi na niya nakita si Cabral sa lugar. Sinubukan din niyang hanapin ito sa hotel na tinutuluyan nito, ngunit wala rin doon ang dating opisyal. Dahil dito, ini-report niya ang insidente sa pulisya bandang alas-7 ng gabi.

Bandang alas-8 ng gabi, natagpuan si Cabral na walang buhay sa gilid ng Bued River, tinatayang 20 metro sa ibaba ng highway. Dinala ang kanyang mga labi sa isang lokal na punerarya, ayon sa ulat.

--Ads--

Samantala, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na iniutos ng Office of the Ombudsman sa mga awtoridad sa Benguet na kunin at pangalagaan ang cellphone at iba pang gadgets ni Cabral upang maisumite sa mga imbestigador sa tamang panahon.

Si Cabral ay nadawit sa mga alegasyon ng budget insertions at kickbacks kaugnay ng mga multi-bilyon pisong flood control projects. Nauna na niyang itinanggi ang mga paratang na may kaugnayan sa umano’y 2026 budget insertion, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon.

Bilang Undersecretary for Planning and Public-Private Partnership, si Cabral ang namamahala noon sa paghahanda ng badyet ng DPWH at sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga infrastructure at public-private partnership projects ng ahensya.