Nagkaroon ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa national highway na sakop ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya at Carranglan, Nueva Ecija matapos tumirik at magtagilid ang dalawang trailer truck sa magkahiwalay na insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Geriyell Frogoso, Chief of Police ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya, sinabi niyang ang trailer truck na tumirik sa nasabing bayan ay may kargang mga bakal na patungong Maynila. Nangyari ang insidente nitong madaling araw ng Disyembre 18, 2025.
Dahil sa pagtirik ng truck sa gitna ng kalsada, naging one-lane passable lamang ang highway, na nagresulta sa matinding pagsikip ng trapiko. Umabot hanggang alas-onse ng tanghali ang mabigat na daloy ng sasakyan, partikular sa mga motorista na patungong Hilaga at Timog.
Ayon pa kay PMaj. Frogoso, agad namang rumesponde ang kapulisan, katuwang ang mga force multipliers at mga kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH), upang magsagawa ng traffic management at tiyaking maayos ang daloy ng sasakyan habang tinatanggal ang humambalang na trailer truck.
Samantala, isa pang trailer truck ang tumagilid sa bahagi naman ng Carranglan, Nueva Ecija, na lalo pang nagpalala sa sitwasyon ng trapiko sa kahabaan ng national highway.
Naging mahirap at matagal ang clearing operation dahil hindi agad makapasok sa lugar ang mga towing truck ng DPWH bunsod ng mabigat na daloy ng trapiko, na lalo pang pinaigting ng dagsa ng mga sasakyan ngayong holiday season. Dagdag pa rito, naging hamon din ang pagtanggal sa truck.
Matapos ang ilang oras na operasyon, matagumpay na natanggal ang mga humambalang na sasakyan. Unti-unti nang umusad ang mga sasakyang naipit sa trapiko, at sa kasalukuyan ay balik-normal na ang daloy ng trapiko sa nasabing mga lugar.
Pinayuhan naman niya ang mga motorista na maging maingat sa pagdaan sa mga naturang lugar, sundin ang mga batas trapiko at tagubilin ng kapulisan, at maglaan ng sapat na oras at pasensya sa biyahe, lalo na ngayong holiday season na inaasahan ang pagdami ng sasakyan sa mga pangunahing lansangan.
Makabubuti ring mag-monitor ng traffic updates at, kung maaari, gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang abala.











