--Ads--

Naobserbahan ng Fireworks Association sa lungsod ng Cauayan ang pagbaba ng supply ng locally made firecrackers sa buong bansa ngayong taon, dulot ng malalakas na bagyo at pagbawas ng bilang ng mga laborers.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Bong Ebora, Vice President ng Cauayan Fireworks Association, sinabi niyang ang pagbaba ng supply ngayong taon ay naitala sa buong bansa, batay sa impormasyong ipinagbigay-alam sa kanila ng mga manufacturers.

Ilan sa mga firecrackers na may mababang supply ay ang kwitis, lucis, at small triangulo, at pinangangambahan na maaaring hindi na umabot hanggang sa Bisperas ng Bagong Taon, dahil kalahating stock lamang ang mayroon sila ngayon kumpara noong nakaraang taon.

Ayon pa kay Ebora, bihira na rin ang nagnenegosyo ng firecrackers sa Bulacan, sa kabila ng pagtaas ng demand sa bansa, at wala na rin ang nagpapatuloy ng tradisyon o legasiya ng paggawa ng paputok sa lugar.

--Ads--

Kaugnay nito, nananatili pa rin ang presyo ng kwitis sa P10-P12 bawat piraso, habang ang presyo ng lucis ay nasa P50-P150 kada bundle. Ang ibang uri ng paputok naman ay nagkakahalaga ng P10,000-P15,000, depende sa laki at klase ng paputok.

Samantala, hindi pa ramdam ang pagdagsa ng mga residente sa pagbili ng paputok, dahil inaasahang magsisimula ito sa Disyembre 30 hanggang 31, bago ang Bagong Taon.