Matapos ang ilang araw na paghihintay, ginhawa at pasasalamat ang nanaig para kay Charity Grace Villaruel, matapos niyang masungkit ang ika-walong ranggo ng September 2025 Licensure Examination for Professional Teachers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Villaruel, lalo pang nadagdagan ang kanyang nerbiyos dahil sa pagkakaantala ng pagsusulit sa Region 2 na mula Setyembre ay ginanap noong Nobyembre. Bagama’t excited ang marami niyang kaklase sa resulta, aminado siyang kabado dahil sa malaking suportang natatanggap mula sa pamilya, mga kaibigan, at sa kanyang review center.
Nang mailabas ang resulta, hindi agad siya naniwala sapagkat ginawa niya lamang ang kanyang makakaya at marami ring mas handang examinees.
Ibinahagi ni Villaruel na nagsimula ang kanyang pangarap na maging guro noong siya’y bata pa. Malaki umano ang naging papel ng kanyang mga guro at mentors mula sa Saint Ferdinand College-Ilagan Campus, na nagbigay sa kanya ng matibay na pundasyon sa propesyon.
Inilarawan niya ang kanyang tagumpay sa pamamagitan ng motto ng kanyang paaralan na “Ora et Labora et Lege”, panalangin, pagsusumikap, at patuloy na pag-aaral. Ayon sa kanya, may mga bagay na ipinauubaya na lamang sa Diyos, kasabay ng sipag at consistence sa pag-aaral.
Bilang English major, dati na umanong nahihirapan siya sa mathematics, subalit kabaligtaran ang nangyari dahil isa ito sa naging highlight ng kanyang journey.
Matindi ang pasasalamat niya sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang ina at tiyahin na nagturo sa kanya ng disiplina at ambisyon.
Samantala, ang simpleng payo niya lamang ay ang pag-aaral ay hindi dapat isang pahirap at chore, kundi isang bagay na maaaring gawin ng masaya.






