Ikinatuwiran ng International Crminal Court (ICC) Prosecutors na pinipeke umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may cognitive impairments siya upang maiwasan ang paguusig kaugnay sa umano’y inaakusang crimes against humanity laban sa kaniya.
Sa siyam na pahinang dokumento na isinulat ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang at isinumite sa Pre-Trial Chamber I nitong Huwebes, sinabi ng Office of the Prosecutor base sa medical evaluations, na nakitang fit ang dating Pangulo na humarap sa pre-trial proceedings.
Bilang resulta rin ng iba pang mga test na ginamit sa pagsusuri sa kalusugan ng dating Pangulo, nagpasya ang lahat ng tatlong eksperto na “unreliable” ang subjective complaints ni Duterte kaugnay sa kaniyang kalusugan at mental functions.
Kaugnay nito, nagkasundo ang mga eksperto “unanimously” na may kapasidad ang dating Pangulo na maunawaan ang mga kaso at ebidensiya laban sa kaniya, maintindihan ang posibleng consequences ng pre-trial proceedings at magbigay ng mga instruction sa kaniyang legal counsel.
Bunsod nito, nanawagan ang ICC Prosecutors na itakda na ang pagpapatuloy ng proceedings sa confirmation of charges kay Duterte.
Matatandaan nauna ng ipinag-utos ng korte ang medical evaluation ni Duterte matapos hilingin ng kaniyang defense team ang indefinite adjournment ng kaso noong Agosto ng kasalukuyang taon dahil sa isyu sa kalusugan ng dating Pangulo ng Pilipinas.









