--Ads--

Maaga nang bumiyahe patungong Maynila ang ilang pasahero mula Cauayan City upang makaiwas sa matinding trapiko at kakulangan ng masasakyan ngayong Kapaskuhan, kasabay ng dagsa ng mga umuuwing magbabakasyon.

‎Ayon kay Ginoong Juan Cades, isa sa mga pasahero, napilitan siyang bumiyahe nang mas maaga matapos malaman na fully booked na ang mga biyahe bandang alas-nuebe ng gabi noong nakaraang araw.

‎Dahil dito, kumuha na lamang siya ng alas-singko y medya ng hapon na biyahe upang masiguro ang kanyang pag-alis at maiwasan ang abala.

‎Bukod sa dami ng pasahero, nakaapekto rin sa kanyang desisyon ang patuloy na pag-ulan at maputik na kondisyon ng mga kalsada, dahilan upang mas piliin niyang agahan ang pagpunta sa terminal.

--Ads--

‎Sinabi ni Ginoong Cades na ipagdiriwang nila ang Pasko sa Maynila kasama ang kanyang mga anak, habang nakatakda naman silang bumalik sa Cauayan City sa pagsalubong ng Bagong Taon. Aniya, hiling mismo ng kanyang anak na magkakasama silang pamilya ngayong Kapaskuhan.

‎Bilang paalala, hinikayat ni Ginoong Cades ang mga kapwa pasahero na mag-ingat sa biyahe at magtungo nang mas maaga sa mga terminal, lalo na kung malayo ang pinanggalingan, upang makasiguro ng masasakyan ngayong peak season ng holiday travel.

‎Samantala, batay sa obserbasyon ng mga personnel na nakatalaga sa bus terminal, mas marami umano sa kasalukuyan ang mga pasaherong umaalis at bumibiyahe mula Cauayan City patungo sa iba’t ibang lugar upang magbakasyon ngayong Kapaskuhan.

‎Ayon sa kanila, patuloy ang pagdami ng mga pasahero, partikular sa mga oras ng gabi at madaling-araw, na nagiging dahilan ng agarang pagkaubos ng mga available na biyahe.

‎Dagdag pa ng mga terminal personnel, inaasahang magpapatuloy ang ganitong sitwasyon hanggang sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon, kaya’t patuloy ang paalala sa publiko na magplano at magtungo nang mas maaga sa mga terminal upang maiwasan ang abala sa biyahe.