--Ads--

Patuloy na pinaghahanap ang nawawalang dalagita na nauna nang napaulat na hinihinalang tumalon sa tulay sa barangay Buenavista, Santiago City.

Matatandaan na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad sa naturang ilog na umabot na hanggang sa Barangay Ipil, Echague, Isabela subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang 15-anyos na si Macie Gutierrez.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Oddie Gutierrez, lolo ng naturang dalagita, sinabi niya na nagkaroon sila ng hinala na tumalon ang kanilang apo sa tulay nang makita nila ang cellphone nito sa railings ng tulay.

Una rito ay umuwi ang dalagita sa kanilang bahay ng hapon ng Disyembre 17 galing sa isang event sa paaralan at nagpaalam na dadalo sa simbang gabi subalit hindi siya pinayagan. Lingid sa kanilang kaalaman na umalis pa rin ito sa ng bahay at simula noon ay hindi na ito umuwi pa.

--Ads--

Kinabukasan ay nakausap umano ng pamilya ang mga kaibigan nito at sinabing kinontak sila ng dalagita at napansin nilang mayroon na itong suicidal thoughts lalo na at ibinibida umano nito ang dala niyang kutsilyo habang nasa tulay sa Buenavista.

Dahil dito ay nagtungo sila sa naturang tulay at dito nila nakita ang cellphone ng biktima dahilan upang dali-dali silang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa search and rescue.

Umaasa naman ang kanilang pamilya na makita pa nila ng buhay ang kanilang kaanak.

Nanawagan naman siya sa kung sino man ang nakakita sa kaniyang apo na huling nakakita ng puting t-shirt at black pants.