Nasawi ang isang lalaki matapos anmg isang insidente ng pamamaril sa Barangay Quimalabasa Sur, San Agustin, Isabela.Panawagan ng pamilya ng biktima ang hustisya at pagsuko na ang pangunahing suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay George kapatid ng biktima , na ang suspek sa pamamaril ay mismong kaanak subalit hindi pa rin katanggap tanggap ang ginawang pagpaslang sa kanilang kapatid. Aniya, mas mainam na sumuko ang suspek at harapin ang kaniyang ginawa subalit nilinaw naman ng pamilya na hindi nila isinasantabi ang pakikipagkasundo subalit sa tamang panahon.
Matatandaan na nasawi ang biktimang si Ronnie Dayag, nasa wastong gulang, magsasaka na residente ng purok 4, Barangay Quimalabasa Sur, matapos na barilin ni Reynald Dagan,isang magsasaka, at dati umanong security guard ng isang opisyal ng San Agustin, Isabela.
Una rito nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa bago naganap ang pamamaril.
Bumili umano sa tindahan ang biktima nang sundan siya ng suspek na sakay ng itim na padjero.
Bumaba ng sasakyan ang suspek at dito na pinaputukan ang biktima ng maraming beses, sinubukan pa umano ng biktima na kumuha ng itak subalit hindi na nito naipagtanggol ang sarili.
Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agad nitong pagkasawi.
Dahil naman sa takot ay hindi na nagawang tulungan ng kaniyang mga kapatid ang nakahandusay na biktima.
Sa kasalukuyan nagsasagawa na ng imbestigasyon ang hanay ng San Agustin Police Station kasama ang forensic Unit ng Santiago City at narekober ang nasa labing anim na basyo ng bala ng 9mm na baril habang natagpuan naman ang getaway vehicle ng susek sa Camarag Village, San Fabian, Echague, Isabela.
Sa salaysay ni Jay ang tiyuhin ng supek iniwan ng kaniyang pamangkin ang sasakyan sa tapat ng kanilang bahay dakong alas-9 ng gabi noon December 19 bago umalis.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga ng Echague Police Station ang nasabing sasakyan na nakatakdang maipasakamay sa San Agustin Police Station habang nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng pulisya laban sa suspek.











