--Ads--

Hindi sapat para sa hanay ng Federation of Free Farmers (FFF) ang planong pagtataas ng taripa sa imported na bigas sa 20 porsiyento na ipatutupad sa Enero 6, ayon sa kanilang pahayag.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor ang Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi nitong taliwas sa layunin ng Executive Order No. 5 ang naturang hakbang.

Nakasaad sa EO No. 5 na simula Enero 1, 2026 ay magkakaroon ng bagong sistema sa pagpataw ng taripa bilang proteksyon sa mga magsasaka. Gayunman, iginiit ng grupo na ang planong pagtaas ng taripa mula 15 porsiyento patungong 20 porsiyento ay hindi sapat at mas nakatuon umano sa proteksyon ng mga konsyumer sa pamamagitan ng muling pagresumo ng importasyon ng bigas.

Giit ni Montemayor, kahit itaas sa 20 porsiyento ang taripa, patuloy pa ring maaapektuhan ang presyo ng palay at mananatiling lugi ang mga lokal na rice farmers. Dahil dito, nananawagan ang grupo na ibalik ang 35 porsiyentong taripa na nakasaad sa Executive Order No. 62, o mas mainam pa umano kung itaas ito sa humigit-kumulang 40 porsiyento upang hindi gaanong maagrabyado ang sektor ng agrikultura.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang patuloy na over importation ng bigas ang isa sa pangunahing dahilan ng pagkalugi ng mga magsasaka, kaya’t kinakailangan ang mas mataas na taripa bilang proteksyon sa lokal na produksyon.

Kaugnay nito, sinabi ng grupo na bukod sa paghahain ng Temporary Restraining Order (TRO) sa Korte Suprema, patuloy rin nilang sini-follow up ang kanilang petisyon sa Department of Agriculture (DA) na magpataw ng karagdagang taripa sa mga inaangkat na bigas upang mabawasan ang pinsalang dinaranas ng mga magsasaka.