Fully booked na ang mga first class bus patungong Maynila mula sa ilang bus terminal sa lungsod ng Cauayan dahil sa dagsa ng mga pasaherong bumiyahe ngayong holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jay Cabaccan, Terminal Coordinator, sinabi nito na mas marami ang mga pasaherong patungong Maynila kumpara sa mga dumarating mula sa lungsod lalo na tuwing gabi kung kailan mabilis mapuno ang mga biyahe partikular ang first class buses.
Sinabi pa ni Cabaccan na sa kasalukuyan ay fully booked na ang mga first class bus hanggang Disyembre 24 at pati na rin ang mga biyahe sa January 1-4 dahilan upang limitado na lamang ang natitirang available na upuan sa deluxe at regular air-conditioned buses.
Dagdag pa niya mas marami pa rin ang mga pasaherong nagwa walk in sa terminal kaysa sa mga nag o online booking kaya agad nauubos ang mga slot lalo na sa mga premium na biyahe patungong Maynila.
Dahil dito pinayuhan ng pamunuan ng terminal ang publiko na agahan ang pagbili ng ticket upang maiwasan ang abalang dulot ng pagkaubos ng slot lalo na ngayong inaasahan ang patuloy na pagdami ng mga biyahero.
Samantala ang pamasahe ng mga bus patungong Maynila ay umaabot sa P1,000 pataas depende sa uri ng biyahe at destinasyon kung saan ang first class ay nagkakahalaga ng P1,100 patungong Cubao P1,118 patungong Pasay at P1,103 patungong Sampaloc.
Para naman sa deluxe bus ang pamasahe ay P937 patungong Sampaloc at siyam na raan at tatlumpu’t limang piso patungong Cubao habang ang regular air-conditioned bus patungong Pasay ay nagkakahalaga ng P875.
Ayon sa coordinator ng terminal nakahanda ang mga biyahe patungong Sampaloc at Pasay at patuloy ang kanilang koordinasyon upang matugunan ang pagdami ng pasahero sa mga susunod pang araw.











