Pinaigting ng Cabagan Police Station ang deployment ng mga pulis sa mga pangunahing kalsada at mataong lugar bilang paghahanda sa paparating na Pasko at Bagong Taon, upang maiwasan ang krimen at matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Merwin Villanueva, Chief of Police ng Cabagan, mas pinalakas ang presensya ng kapulisan sa mga national highways, palengke, night markets, at iba pang pampublikong lugar kung saan inaasahang dadagsa ang mga tao. Layunin nito na maagapan ang mga karaniwang modus tuwing holiday season tulad ng salisi, budol-budol, pamemeke ng pera, at pandurukot ng mga tinatawag na ipit gang.
Bilang pag-iwas, maaga pa lamang nitong Disyembre 1 ay inatasan na ang mga pulis na paigtingin ang pagbabantay, lalo na sa mga aktibidad na tumatagal hanggang alas-11 ng gabi at sa mga misa de gallo na nagsisimula alas-4 ng madaling araw.
Para naman sa mga pamilyang aalis ng bahay ngayong bakasyon, ipinatupad ng PNP Cabagan ang “Adopt-a-Neighbor Program” sa pakikipag-ugnayan sa mga barangay upang matulungan ang mga residente sa pagbabantay ng mga bahay na iiwan. Patuloy din ang roving patrol ng pulisya at mga barangay opisyal.
Dagdag pa ni Villanueva, wala pang naitatalang insidente ng theft at robbery ngayong holiday season. Aktibo rin ang Oplan Night Rider at Oplan Bulabog, na epektibo sa pagbabantay sa mga kalsada at sa mga kabataang madalas magtambay sa mga bypass road.
Sa tala ng PNP Cabagan, nakapagtala sila ng 11 na naaresto dahil sa illegal na sugal, dalawa sa illegal drugs, at dalawasa pag-iingat ng hindi lisensyadong baril. Umabot naman sa 41 ang naaresto na mga wanted person, kabilang ang dalawang top most wanted. Mayroon ding 11 hindi lisensyadong baril na isinuko at 14 lisensyang expired ang boluntaryong dineposito.
Ayon sa pulisya, patuloy na bumababa ang insidente ng krimen sa Cabagan dahil sa pinaigting na public safety measures, kabilang ang Oplan Scuba laban sa mga sindikatong gumagamit ng drainage canals, at ang pagtatayo ng fixed visibility points na 24-oras binabantayan ng mga pulis.











