Ligtas ang labing apat (14) na pasahero matapos tumaob ang bangkang de motor na kanilang sinasakyan habang pauwi mula sa Misa de Gallo kaninang umaga sa Ilog Pinacanauan, Barangay Cataguing, San Mariano, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa mga kabataan, sinabi nilang galing ang mga ito sa Misa de Gallo sa St. Thomas Aquinas Church, Zone 2, San Mariano. Karamihan sa mga ito ay high school at college students. Pauwi na sana sila sa kanilang barangay nang sumakay sa bangkang minamaneho ni Rogelio Gonzales.
Pagdating umano sa kalagitnaan ng ilog, sumadsad ang bangka sa isang malaking bato sanhi ng malakas na agos ng tubig, dahilan upang mawalan ng balanse at tuluyang tumaob ang sinasakyan nilang bangka. Lahat sila ay nahulog sa ilog, ngunit mabuti nalang at marunong silang lumangoy.
Agad namang rumesponde ang rescue team at PNP San Mariano, kung kaya’t nailigtas ang mga kabataan at agarang idinala sa hospital para sa pagsusuri at gamutan. Ayon sa mga awtoridad, wala namang naiulat na malubhang nasugatan.
Samantala, sa panayam ng Bombo News Team kay Gonzales, sinabi niyang may ilang pasaherong nakatayo sa bangka nang mangyari ang insidente. Posible umano na dahil sa patuloy na pag-ulan kaya ayaw umupo ng ilan dahil basa ang mga upuan.
Inilarawan ng mga kabataan ang pangyayari bilang traumatic, lalo na at natangay ng tubig ang kanilang mga kagamitan. Gayunman, labis ang kanilang pasasalamat na ligtas ang lahat.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP upang matukoy ang kabuuang sanhi ng insidente.
Home Local News
14 na estudyante, ligtas sa pagtaob ng bangkang de motor sa Pinacanauan River sa San Mariano, Isabela
--Ads--











