--Ads--

Nanawagan ng agarang aksyon para sa pagkamit ng hustisya ang pamilya ng babaeng natagpuang patay sa Brgy. Linglingay, Gamu, Isabela noong Sabado, Disyembre 20, 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jhomel Carabbacan, asawa ng biktima, sinabi niyang hanggang sa ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na malinaw na impormasyon kung sino ang responsable sa karumaldumal na krimen na sinapit ng kaniyang asawa.

Aniya, isang mabait at palakaibigan ang biktima kaya’t hindi niya maisip kung sino ang may kagagawan ng krimen.

Isinalaysay ni Carabbacan na noong Disyembre 19 bandang alas-12 ng tanghali ay nagpaalam ang kaniyang asawa sa isa nitong katrabaho na magtutungo sa Ilagan City upang kumuha umano ng livelihood assistance. Gayunman, hindi na ito muling nag-update o nakipag-ugnayan sa kaniya hanggang sa makauwi siya galing trabaho.

--Ads--

Sinubukan pa umano niyang tawagan ang kaniyang asawa ngunit lumalabas na out of coverage na ang cellphone nito. Kinaumagahan, sila na mismo ang nagsagawa ng paghahanap.

Habang nasa bayan umano ng Naguilian, napansin niya ang dalawang pulis na nakapwesto sa isang tulay. Huminto siya sa pag-aakalang may isinasagawang operasyon ang mga awtoridad. Doon niya nakita ang bag ng kaniyang asawa na naglalaman ng sirang damit at mga identification card. Gayunman, nawawala na umano ang malaking halaga ng kanilang pera pati na rin ang Joint ATM nilang mag-asawa, relo, at sapatos.

Ipinakita umano ng mga pulis kay Carabbacan ang isang litrato ngunit hindi niya agad nakilala ang biktima, dahil sa nasunog na mukha nito. Tanging ang balat sa kamay at sa ilalim ng dibdib ang nagsilbing palatandaan upang makumpirma ang pagkakakilanlan ng kaniyang asawa.

Ayon pa kay Carabbacan, wala umanong palatandaan na ang biktima ay minolestiya kahit pananaksak sa katawan ay hindi ito makitaan.

Dagdag pa niya, hindi nila maatim na tignan ang labi nito lalong-lalo na ng kanyang limang -taong gulang na anak dahil sa kalunos-lunos na ginawa sa kanyang ina.

Sa ngayon, nananatiling umaasa ang pamilya na mabibigyang-linaw agad ang kaso. Nanawagan sila sa mga awtoridad na pabilisin ang imbestigasyon upang makamit ang hustisya, at hangad nilang bago mailibing ang biktima ay may malinaw na resulta na ang kaso at mapanagot ang salarin.