--Ads--

Nominado bilang Fireworks Capital of Region 2 ang Cauayan Fireworks Center base sa naging assessment ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association o PPMDA.

Ang PPMDA ay ang asosasyon na nagsasagawa ng mga fireworks safety seminars para sa lahat ng nagnanais magbenta ng paputok.

Ito rin ang isa sa mga grupo na nagbibigay ng permit sa lahat ng mga nagbebenta ng paputok, bukod pa sa ibinibigay ng LGU, BFP at PNP.

Ayon kay Ginoong Bong Ebora, presidente ng Cauayan Fireworks Center, wala pa namang pormal na deklarasyon na ang Cauayan ang tinaguriang Fireworks Capital sa Rehiyon 2.

--Ads--

Ngunit aniya, base sa naging assessment ng PPMDA at sa kanilang pakikipag-usap, lumalabas na ang Lungsod ng Cauayan ang may pinakamalaking bentahan ng mga paputok sa buong Lambak ng Cagayan.

Isa lamang ang kanilang kakumpetensiya pagdating sa nasabing titulo, at ito ay ang mga vendor mula Santiago City.

Ngunit ayon kay Ebora, malaking bagay na ang nominasyon at malaki rin ang tiyansa na sa mga susunod na pagkakataon ay pormal na silang ideklara bilang Fireworks Capital sa Region 2.

Isa kasi, aniya, sa nagiging basehan ay ang mga mamimiling nagtutungo pa sa kanilang mga pwesto mula sa mga karatig-bayan.