Ramdam na ang mabigat na daloy ng trapiko sa Lungsod ng Cauayan ngayong Yuletide season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na bahagya nang nararanasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa Cauayan City habang papalapit ang Kapaskuhan.
Ayon sa kanya, sa kasalukuyan ay naitalaga na ang 56 na POSD personnel sa mga strategic area sa lungsod kung saan kadalasang nagkakaroon ng traffic build-up.
Iginiit din niya na handa at na-anticipate na ng kanilang tanggapan ang pagbuhos ng mga sasakyan sa lungsod, at inaasahang mas dadami pa ang mga ito hanggang sa araw ng Pasko.
Upang kahit papaano ay mapanatiling umuusad ang trapiko, nagpapatupad na sila ng mga road re-routing.
Panawagan naman niya sa mga motorista na manatiling kalmado at magbaon ng mahabang pasensya, dahil hindi naman araw-araw nararanasan sa lungsod ang mabigat na daloy ng trapiko lalo na ngayong papalapit na ang Pasko at Bagong Taon.











