--Ads--

Isinuko ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Office of the Ombudsman ang computer at mga dokumentong ginamit ng yumaong dating Undersecretary Maria Catalina Cabral kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa flood control projects.

Ayon sa DPWH, ang turnover ay alinsunod sa Subpoena Duces Tecum ng Ombudsman at saklaw ang mga files na ginamit ni Cabral sa loob ng mahigit sampung taon sa ahensya.

Pinangunahan nina DPWH Undersecretaries Nicasio Conti, Arthur Bisnar, Ricardo Bernabe III, at Charles Calima Jr. ang pag turnover ng mga nasabing kagamitan.

Si Cabral ay nagsilbing Undersecretary for Planning and Public-Private Partnership mula 2014 hanggang sa kanyang pagbibitiw sa puwesto ngayong taon, matapos maiugnay sa isinasagawang imbestigasyon. Siya ay kabilang sa mga dating matataas na opisyal ng DPWH na nadawit sa kontrobersiyal na flood control scheme.

--Ads--

Matatandaang natagpuan ang bangkay ni Cabral noong nakaraang linggo matapos umanong mahulog sa isang bangin sa kahabaan ng Kennon Road sa bayan ng Tuba, Benguet.

Tiniyak ng DPWH ang patuloy na pakikipagtulungan sa Ombudsman at iba pang ahensya sa isinasagawang imbestigasyon.