Matagumpay na naaresto ang isa sa Top 6 Provincial Most Wanted Persons ng Isabela kaugnay ng kasong statutory rape, 34-anyos na si alias “Jay,” residente ng Brgy. Baculod, City of Ilagan, sa Brgy. Camunatan, City of Ilagan, bandang alas-8:30 ng umaga ngayong Disyembre 23, 2025.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng Mandamiento De Aresto mula sa Regional Trial Court, Branch 18, City of Ilagan, kaugnay ng dalawang bilang ng statutory rape. Walang inirerekomendang piyansa para sa akusado.
Agad na ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Ilagan City Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon bago iharap sa hukuman.
Pinuri ni PNP Isabela Provincial Director PCOL Lee Allen Bauding ang mabilis at maayos na koordinasyon ng mga operatiba. Ani niya, ang tagumpay na operasyong ito ay patunay ng walang humpay na pagsisikap ng PNP Isabela na ipatupad ang batas at bigyang hustisya ang mga biktima, lalo na ang kababaihan at kabataan.
Dagdag pa niya, patuloy din nilang hahabulin at aarestuhin ang mga wanted persons sa lalawigan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating komunidad.
Hinikayat din ng pamunuan ng PNP Isabela ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon laban sa mga kriminal, bilang mahalagang bahagi ng kolektibong pagsisikap para sa isang ligtas at mapayapang lalawigan.











