--Ads--

Tiniyak ng ilang mga ahensya ng pamahalaan na mapagkakalooban ng sapat na tulong ang pamilya ng Overseas Filipino Worker na nasawi sa sunog sa Hongkong.

Matatandaan na nitong Linggo, Disyembre 21, ay naiuwi na ng Pilipinas ang labi Mary Ann Esteban, isang domestic helper tubong Sta. Isabel, Jones, Isabela, na nasawi sa malagim na sunog sa Tai Po, Hong Kong noong Nobyembre 26, 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Rogelio Benitez ng Department of Migrant Workers Region 2, tumagal ang repatriation ng labi dahil sa istriktong patakaran ng Hong Kong na kailangan matapos muna lahat ng imbestigasyon. Dumating ang bangkay ni Esteban sa bansa noong sabado at pansamantalang nanatili sa NAIA bago ihatid pauwi ng Isabela nitong linggo.

Ayon kay Cacdac, mariing ipinag utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagbibigay ng tulong sa pamilya ng nasawing OFW, lalo na sa 10-anyos na anak nito.

--Ads--

Naipagkaloob na rin sa pamilya ang lahat ng kaukulang tulong pinansyal. Mula sa DMW Action Fund, nakatanggap ang pamilya ng 100,000 pesos, bukod pa sa personal na ibinigay na tulong ng kalihim. Ayon kay RD Benitez, wala nang gagastusin ang pamilya sa burial ni Maryan.

Tiniyak din ng DMW na mabibigyan ng tulong pang-edukasyon hanggang kolehiyo ang anak ni Maryan sa pamamagitan ng scholarship programs ng DMW at OWWA, katuwang ang DepEd, TESDA, at CHED.

Patuloy rin aniya ang ahensya sa pagtulong sa mga distressed OFW’s, kabilang ang repatriation ng mga nagkakasakit at ang pagbibigay ng financial assistance sa mga nangangailangan.