--Ads--

Naka-heightened alert ang Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City ngayong holiday season hanggang Enero 4 upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng inaasahang pagdami ng aktibidad, lalo na ang paggamit ng paputok at pailaw.

Layunin ng hakbang na ito na maiwasan ang sunog, aksidente, at iba pang insidenteng karaniwang naitatala tuwing Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay SFO3 Rene Dalope, Deputy Fire Marshal ng BFP Cauayan, araw-araw silang nagsasagawa ng inspeksyon sa mga stall na nagbebenta ng paputok upang tiyakin na sumusunod ang mga ito sa itinakdang alituntunin at safety standards.

Sinusuri ng BFP ang permit ng mga nagtitinda, tamang paglalagay at imbakan ng mga paputok, pati na rin ang distansya ng mga stall mula sa mga gusali at mataong lugar.

--Ads--

Tiniyak ni Dalope na mahigpit nilang binabantayan na walang nagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok tulad ng piccolo, watusi, super lolo, kwitis na may basyo, at iba pang delikadong uri. Aniya, agad na kakasuhan ang sinumang mahuhuling lalabag sa mga umiiral na patakaran.

Dagdag pa niya, sa kabila ng tuloy-tuloy na inspeksyon, wala pa silang naitatalang paglabag mula sa mga firecracker stall sa lungsod—patunay na sumusunod ang mga nagtitinda sa regulasyong itinakda ng pamahalaan.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng BFP Cauayan ang publiko na umiwas sa paggamit ng ipinagbabawal na paputok at sa halip ay makiisa sa mga ligtas na paraan ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon upang maiwasan ang aksidente at sunog.