Bantay-sarado ng mga awtoridad ang anim na kalalakihan matapos magdulot ng ingay habang isinasagawa ang isang banal na misa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division (POSD) Chief Pilarito Mallillin, isang staff ng simbahan ang agad na humingi ng tulong sa kanilang tanggapan matapos mapansin ang isang grupo ng kalalakihan na nag-iingay at nakaaabala sa mga nagsisimba.
Ani Mallillin, personal niyang pinuntahan ang lugar at sinita ang mga nasabing indibidwal. Nang makalapit, agad umanong napag-alaman na ang mga ito ay lasing, batay sa malakas na amoy ng alak na umaalingasaw mula sa kanila.
Dahil dito, agad silang kinompronta at pinagsabihan ng opisyal. Inatasan din ni Mallillin ang kaniyang mga tauhan na paghiwalayin ang anim na kalalakihan at bantayan ang mga ito hanggang sa makauwi upang matiyak na walang mangyayaring anumang hindi inaasahan at upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Samantala, nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na igalang ang mga banal na gawain at umiwas sa pag-inom ng alak lalo na sa mga pampublikong lugar. Hinikayat din ang mga mamamayan na maging responsable sa kanilang kilos at agad ireport sa mga awtoridad ang anumang insidente na maaaring makapagdulot ng gulo o panganib sa kapwa.











