--Ads--

Itinuturing na isolated case ng Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) ang sunod-sunod na insidente ng pagkalunod at iba pang krimen sa lalawigan nitong nagdaang linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IACTF Chairman Ysmael Atienza Sr., sinabi niya na binabantayan nila ngayon ang ilang isolated crimes na naitala, partikular ang pagkakatagpo sa bangkay ng isang ginang sa Gamu, Isabela; maliban pa sa pagkakatagpo rin sa bangkay ni Macie Gutierrez sa Angadanan, Isabela; at isa pang insidente ng pagkalunod sa Gamu.

Aniya, sa mga insidenteng naitala, ipinatawag at pinagpaliwanag niya ang mga himpilan ng pulisya na nakakasakop dito.

Halimbawa, sa kaso ng ginang na karumal-dumal na pinatay at itinapon sa gilid ng kalsada sa Gamu, Isabela, hindi aniya isinasantabi ang anggulo ng love triangle dahil sa paraan ng pagpatay sa biktima. Gayunman, nagpapatuloy pa ang malalimang imbestigasyon.

--Ads--

Sa katunayan, inihayag na ng PNP na bumuo na ng task force na siyang tututok sa imbestigasyon.

Kaugnay nito, wala namang nakitang foul play sa pagkasawi ni Macie Gutierrez, na unang napaulat na nawawala sa Barangay Buenavista, Santiago City, matapos umano itong tumalon sa tulay.

Idinagdag pa ni Chairman Atienza na hindi ito ang mga krimen o insidente na kanilang inaasahan ngayong Yuletide season, dahil karaniwang insidente ng nakawan ang madalas na naitatala tuwing holiday season bunsod ng pangangailangan sa pera ng mga kawatan.

Pinaalalahanan naman niya ang hanay ng pulisya na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang malaman ang puno’t dulo ng pagkasawi ng mga naitatalang biktima.