--Ads--

Handang aksyunan ng House Committee on Ethics ang anumang reklamong maaaring ihain laban kay Leyte Rep. Richard Gomez kaugnay ng insidenteng kinasangkutan niya sa SEA Games sa Thailand, kung saan siya ay nakunan ng video na umano’y nanakit kay Philippine Fencing Association (PFA) president Rene Gacuma.

Ayon kay committee chair at 4Ps party-list Rep. JC Abalos, wala pa sa ngayon ang anumang pormal na reklamo laban kay Gomez kaya’t hindi pa siya nagbibigay ng detalyadong pahayag tungkol sa insidente.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na mahigpit na tinututulan ng Kamara ang anumang anyo ng karahasan, lalo na kung sangkot ang mga halal na opisyal ng gobyerno.

Bagama’t naka-Christmas break ang sesyon ng Kamara, sinabi ni Abalos na patuloy na nangangalap ang komite ng mga kaugnay na impormasyon bilang paghahanda sakaling may maisampang ethics complaint.

--Ads--

Dagdag pa niya, maaari ring magsagawa ng motu proprio investigation ang komite kung magkakaroon ng mosyon mula sa mga miyembro nito.

Samantala, inilahad ni Gacuma na nag-ugat umano ang galit ni Gomez nang malaman nito na pinalitan ang isa sa mga miyembro ng Philippine fencing team.