Ninakawan umano ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang isang firecracker vendor sa lungsod ng Cauayan, kung saan tinatayang ₱3,000 cash, bukod pa sa mga baryang tig-₱20, ang natangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kenneth De Leon, firecracker vendor, dakong alas-4 o alas-5 ng madaling araw noong Disyembre 23 nang maganap ang insidente.
Inakala umano nilang wala nang papasok sa oras na iyon dahil maliwanag na, subalit itinaas lamang ng mga suspek ang tolda at agad na natunton ang bag na kinalalagyan ng pera.
Dagdag ni De Leon, tila alam ng mga suspek kung saan nakatago ang mga ito.
Umaga na nila nakita ang mga pinaghihinalaan, na umano’y mula rin sa Cauayan City kung saan napansin nila na isang 14-anyos na itinuturing nilang lider ng grupo, ang sangkot umano sa pagnanakaw.
Hindi na ini-report sa pulisya ang insidente at pinili na lamang umano ng biktima na maging mas maingat sa mga susunod na araw.
Samantala, nagpaalala si PLt. Col. Avelino Canceran Jr., Chief of Police ng Cauayan Police Station, sa publiko na mag-ingat at iwasan ang labis na pag-inom ng alak upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan, lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.
Hinimok din ang mga mamamayan na agad iulat sa awtoridad ang anumang insidente ng krimen upang maagapan at matugunan ito ng maayos.











