Naitala ang unang biktima ng paputok sa bayan ng Rizal, Kalinga.
Ayon sa Rizal Municipal Police Station, ang biktima ay isang 37-anyos na lalaki, residente ng Barangay Macutay, Rizal, Kalinga.
Batay sa paunang imbestigasyon, napulot umano ng biktima ang isang hindi pumutok na pla-pla, subalit bigla itong sumabog nang kanyang hawakan.
Dahil dito, naputol ang isa sa kanyang mga daliri at nagtamo rin ng sugat sa iba pang bahagi ng kamay at katawan.
Agad na isinugod ang biktima sa Juan M. Duyan Hospital bago inilipat sa Kalinga Provincial Hospital upang mabigyan ng karampatang lunas.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang mga awtoridad na sa publiko na iwasan ang paggamit ng mga mapanganib o mga ipinagbabawal na mga paputok ngayong Pasko at Bagong Taon.






