Sa halip na masayang pagdiriwang, trahedya ang sinalubong ng ilang residente ng Taguig City matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa bisperas ng Pasko.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)–Taguig, nagsimula ang sunog sa Infantry Street, Barangay Post Proper Southside noong gabi ng Disyembre 24 at idineklara ang unang alarma alas-12:06 ng madaling-araw ng Disyembre 25. Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga bahay na gawa sa light materials.
Idineklara ang sunog na fire under control alas-12:52 ng madaling-araw at tuluyang naapula alas-1:19 ng madaling-araw. Sinabi ng BFP na nahirapan ang mga bumbero sa pagresponde dahil sa masisikip na daan sa lugar.
Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog. Wala pa ring inilalabas na ulat ang mga awtoridad ukol sa lawak ng pinsala at kung may nasugatan o nasawi.
Muling nagpaalala ang BFP sa publiko na maging maingat ngayong holiday season, lalo na sa paggamit ng mga kagamitang may kuryente at iba pang posibleng pagmulan ng sunog.











