Pinaigting ng Isabela Provincial Police Office ang pagbabantay ngayong holiday season, kasabay ng naitalang insidente ng paggamit ng ipinagbabawal na paputok sa San Manuel na nagtamo ng sugat sa kaliwang mata ng isang kabataan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Captain Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela PPO, pinaigting na nila ang police visibility sa mga mataong lugar tulad ng malalaking pamilihan, pook pasyalan, at transport hubs para masiguro ang kaligtasan ng publiko ngayong Pasko. Kasabay nito, patuloy ang paalala sa mga motorista at pasahero na maging maingat sa kalsada, magsuot ng helmet, at huwag magmaneho kung naka-inom ng alak.
Sa kabila ng mga abiso at paghahanda, naiulat ang isang insidente ng paputok sa bayan ng San Manuel noong Disyembre 22. Isang kabataan ang nasugatan sa kaliwang mata matapos gumamit ng piccolo, isang uri ng ipinagbabawal na paputok. Ayon sa pulisya, ang piccolo ang madalas na ginagamit ng kabataan, kaya patuloy ang kampanya ng PNP laban sa ilegal na paputok at inspection sa mga tindahan upang matiyak na walang ibinebentang bawal na produkto.
Dagdag ni Captain Topinio, ang ganitong mga insidente ay paalala sa publiko na maging alerto at huwag tangkilikin ang paputok na hindi ligtas.
Bukod sa paputok, may naitala ring ilang aksidente sa lansangan, karamihan ay kinasasangkutan ng mga nagmomotorsiklo, ngunit wala namang nasawi. Patuloy din ang Oplan Tambuli ng Isabela PPO bilang paalala sa mga motorista na doblehin ang pag-iingat hindi lamang para sa sarili kundi pati sa pasahero, pedestrian, at pamilya.
Tiniyak ng Isabela PPO na handa ang kanilang pwersa sa buong lalawigan para sa maayos at ligtas na pagdiriwang ng pasko at bagong taon, at hinihikayat ang publiko na makiisa sa mga programang pangkaligtasan.











