--Ads--

Natagpuan ang isang bangkay ng lalaki sa isang irrigation canal sa bypass road, bahagi ng Pinoma, Cauayan City, pasado alas kwatro kahapon, Dec. 25, 2025.

Kinilala ang biktima na si Rodolfo Santos Jr., 25 taong gulang, dating construction worker at residente ng Nungnungan Uno, Cauayan City.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Ruby Santos, hindi na nakauwi si Rodolfo nitong gabi ng Dec. 24, 2025, matapos magpaalam na kukuha ng regalo sa isang kakilala pasado alas onse ng gabi.

Inakala pa umano ng pamilya na nasa labas lamang ito, ngunit kinaumagahan ay napansin ng kanilang ama na nawawala ang tsinelas ng biktima.

--Ads--

Makalipas ang ilang oras, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa isang concerned citizen na may natagpuang bangkay sa bypass road.

Hindi umano agad nakilala ng ama ang bangkay, kaya tinanong niya kung may tattoo ang biktima sa paa. Nang makumpirma ang tattoo, pati na ang suot nitong damit at short, doon ito tuluyang nakilala.

Samantala, sinabi naman ni Marilyn Santos, kapatid din ng biktima, na nagtungo muna ang biktima sa kanilang bahay at inaya ang panganay na anak nito na umalis.

Nanawagan naman ang pamilya ng biktima sa sinumang nakakita o may alam sa nangyari kay Rodolfo Santos Jr. na makipag-ugnayan sa kanila o sa mga awtoridad.

Ayon sa pamilya, wala pa silang malinaw na ideya kung ano ang eksaktong nangyari sa biktima bago ito natagpuang patay.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad at isinailalim sa imbestigasyon ang insidente upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ni Santos at kung may naganap na foul play.

Patuloy pa ring kinakalap ang mga ebidensya at pahayag ng mga posibleng saksi.