Inihayag ng DOLE Region 2 na sisiyasatin ng kanilang tanggapan kung sino ang mga employers sa rehiyon na hindi nagbigay ng 13th month pay at holiday pay sa kanilang mga empleyado ngayong kapaskuhan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dionisio Verzola, Supervising Labor and Employment Officer ng DOLE Region 2, sinabi niya na karapatan ng bawat manggagawa na makatanggap ng 13th month pay at tamang holiday pay alinsunod sa batas, at ipinapaalala ng DOLE na obligasyon ng mga employer na magbigay nito bago ang katapusan ng taon.
Hinimok din ng DOLE ang mga empleyado na i-report ang anumang paglabag sa kanilang tanggapan upang agad na masuri at maaksyunan.
Para sa mas mabilis at mas ligtas na proseso, puwede nang mag-submit ng reklamo online sa pamamagitan ng opisyal na website ng DOLE, kung saan puwedeng ilahad ng manggagawa ang detalye ng kanilang reklamo at mga ebidensya tulad ng payslips at kontrata.
Dagdag pa ni Verzola, sisimulan ng DOLE ang immediate inspection at monitoring sa mga kumpanyang may reklamo mula sa mga manggagawa, at maaaring patawan ng kaukulang parusa ang mga employers na mapatutunayang lumabag sa batas.
Pinayuhan din ang mga kumpanya na magbigay ng tamang dokumentasyon at resibo bilang patunay ng pagbabayad upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng empleyado at employer.











