Sugatan ang isang barangay tanod matapos itong pukpukin sa ulo ng martilyo ng isang lasing na suspek habang umaawat sa isang away sa Purok Uno, Barangay Nungnungan, Cauayan City, bandang alas-10:00 ng gabi noong Disyembre 25, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Chief Tanod Rodolfo Felix ng nasabing barangay, rumesponde ang biktimang si Alyas ‘Gin’, bente-otso anyos at barangay tanod, matapos i-report ang away ng suspek at ng kapatid nito. Sa kanilang pagdating, kapansin-pansin umanong lasing ang suspek, ngunit sa halip na kumalma ay naging marahas ito.
Habang tinatangkang awatin ng tanod ang gulo, bigla siyang inatake at ilang ulit na pinukpok ng martilyo sa ulo ng suspek na si alyas ‘Eric’ kwarenta anyos, magsasaka at residente ng nasabing barangay. Nagtamo ang biktima ng limang pukpok sa ulo, na nagresulta sa tatlong bukol at dalawang bitak sa ulo.
Dahil sa tindi ng pinsala, agad na isinugod ang biktima sa Hospital sa tulong ng rescue 922 para sa agarang medikal na atensyon.
Samantala, ang suspek ay naaresto at isinuko ng mga opisyal ng barangay sa mga tauhan ng Cauayan City Police Station para sa wastong disposisyon. Nahaharap ang suspek sa kasong Direct Assault to an Agent of a Person in Authority.











