--Ads--

Isinusulong ng Philippine National Police (PNP) ang pagtatatag ng iisang itinalagang pamilihan ng mga paputok at pyrotechnics sa bawat lungsod at bayan upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. na inatasan na ang lahat ng police chiefs na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang tukuyin ang posibleng lugar ng mga firecracker zones.

Ayon kay Nartatez, ang pagkakaroon ng nakatalagang bilihan ay makatutulong upang madaling mabantayan ang mga nagbebenta at maiwasan ang pagkalat ng iligal na paputok.

Dagdag pa niya, makikita ang mas pinaigting na presensya ng pulisya sa mga nasabing lugar upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mamimili.

--Ads--

Makikipag-ugnayan din ang PNP sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang magtalaga ng mga firetruck at emergency responders na nakaantabay sakaling magkaroon ng insidente.

Ipinatupad ang hakbang matapos iulat ng Department of Health na may naitalang 28 kaso ng mga nasugatan dahil sa paputok mula Disyembre 21 hanggang 25.