--Ads--

Hiniling ng transport group na PISTON sa Department of Transportation ang agarang pagpapahintulot sa renewal at rehistro ng mga jeepney upang matugunan ang kakulangan sa public transport ngayong holiday season at sa mga susunod na buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON Chairman Mody Floranda, nagsagawa sila ng kilos-protesta bago ang pasko dahil sa kawalan umano ng malinaw na tugon ng DOTr sa kanilang mga panawagan ilang buwan matapos maupo ang bagong kalihim.

Giit ng grupo, patuloy silang nagseserbisyo sa kabila ng aniya’y panggigipit ng pamahalaan, habang hirap ang mga commuter dahil sa kakulangan ng masasakyan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Babala ng PISTON, lalo pang titindi ang traffic at siksikan pagpasok ng bagong taon dahil sa dagsa ng mga biyahero. Mariin din nilang tinututulan ang kasalukuyang Public Transport Modernization Program na ayon sa kanila ay pabor sa malalaking negosyo at nagpapabaon sa utang sa maliit na operator.

--Ads--

Samantala, panawagan ng grupo ang pagkakaisa ng mga tsuper, operator, at commuter upang ipaglaban ang kabuhayan, karapatan, at abot-kayang pampublikong transportasyon ngayong papalapit ang 2026.