Nakapagtala na ng dalawang kaso ng biktima ng paputok ang Cagayan Valley Medical Center sa magkahiwalay na insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Cherry Lou Antonio, Medical Center Chief ng CVMV, sinabi niya na ang mga biktima ay kapwa mga menor de edad na lalaki mula sa Lungsod ng Tuguegarao na parehong gumamit ng whistlebomb.
Minor lamang ang tinamong sugat ng 13-anyos na biktima kaya hindi na ito kinakailangang I-admitt sa pagamutan subalit ang 8-anyos na biktima ay kinailangang I-amputate o putulin ang dalawang daliri nito at sa ngayon ay patuloy pang inoobserbahan ang kaniyang kalagayan.
Ayon kay Dr. Antonio, bumili umano ang mga biktima ng paputok sa tindahan na lingid sa kaaalaman ng mga magulang.
Samantala, simula nang maglunsad ang CVMC ng “Ligtas Christmas Campaign” noong December 21 ay umabot na sa 84 ang naitalang road crash injuries ng pagamutan kung saan dalawa rito ang dead on arrival.
Mula sa nabanggit na datos, 33 ang nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin, habang ang ilan ay walang suot na protective gears gaya ng helmet.
Patuloy din ang ginagawang pagmonitor ng pagamutan sa mga non-communicable diseases. Sa ngayon, mayroon nang 14 cases ng stroke; 2 ang Asthma; at anim ang heart attack.
Nagpaalala naman si Dr. Antonio sa publiko na maging kontrolado sa pagkain, mag-ehersisyo ng tama at panatilihin ang disiplina sa sarili upang mapangalagaan ang kalusugan at makaiwas sa sakit.










