--Ads--

Handang-handa ang hanay ng Highway Patrol Group (HPG) Isabela sa pagsalubong ng Bagong Taon upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi niyang patuloy ang isinasagawang inspeksyon at pagbabantay ng kanilang mga tauhan sa mga lugar na dinadagsa ng mga tao, partikular sa mga terminal, upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero na umaalis at dumarating sa lungsod ng Cauayan.

Isa rin sa mga binabantayang lugar ng HPG Isabela ang mga simbahan dahil inaasahang dadagsain ito ng mga mamamayan sa panahon ng pagdiriwang ng Bagong Taon.

Ayon pa kay PMaj. Bagayao, mula nang magsimula ang Christmas season ay wala silang naitalang kaso ng carnapping ng sasakyan at motorsiklo sa lungsod.

--Ads--

Dagdag niya, hindi lamang ang HPG ang naghanda ngayong holiday season kundi katuwang din nila ang mga territorial units sa bawat bayan. Tumutulong din ang mga force multiplier sa pagbabantay sa mga sasakyan at motorsiklo ng mga mamamayan.

Bukod dito, kabilang rin sa kanilang mga gawain ang pagsasagawa ng road clearing at pagpapatupad ng anti-illegal parking upang maging maayos ang daloy ng trapiko sa lungsod.

Patuloy ang panawagan ng HPG Isabela sa publiko na makiisa at sumunod sa mga patakaran upang maging ligtas at maayos ang pagsalubong sa Bagong Taon.