Naka-full alert status ang hanay ng Public Order and Safety Division (POSD) bilang paghahanda sa mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pillarito Mallillin, sinabi nitong handa na ang lahat ng POSD personnel sa kani-kanilang areas of deployment hanggang Enero 1, 2026 upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Ayon sa opisyal, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng anumang uri ng paputok ng mga menor de edad. Paalala rin niya sa mga firecracker vendor na kinakailangang may nakahandang tubig o buhangin at fire extinguisher sa kanilang mga stall. Ang mga lalabag dito ay papasaraduhan at kakanselahin ang kanilang mga business permit.
Dagdag pa ni Mallillin, simula pa noong Disyembre ay napaalalahanan na ang mga punong barangay tungkol sa pagbabawal ng paggamit ng boga dahil delikado ito at maaaring magdulot ng seryosong pinsala sa mata na maaaring mauwi sa pagkabulag.
Samantala, ipinaalala rin ng POSD na hindi rin papayagan ang paggamit ng maiingay na tambutso bilang pamalit sa paputok. May umiiral na ordinansa ang lungsod ng Cauayan na nagbabawal sa paggamit ng mga tambutsong labis ang ingay, lalo na sa panahon ng pagdiriwang.
Nagpaalala rin ang opisyal sa publiko na manatili na lamang sa loob ng bahay at ipagdiwang ang Bagong Taon kasama ang pamilya. Hinikayat din niya ang mga mamamayan na iwasan ang paglabas, lalo na kung nakainom ng nakalalasing na inumin, upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente.











