Inilarawan ng isang feng shui expert ang taong 2026 bilang isang uncontrolled at umaalab na taon, kung saan nangingibabaw ang energy ng isang kabayo, mabilis kumilos, determinado, at madaling magliyab.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Master Hanz Cua, Feng Shui Expert, sinabi nitong ang ganitong klaseng enerhiya ay magdadala ng matitinding pagbabago sa iba’t ibang aspeto ng buhay: mula sa pera, kalusugan, trabaho, hanggang sa pandaigdigang sitwasyon.
Sa larangan ng elements, lumalabas na ang missing element sa 2026 ay Water. Sa astrology, ang Water element ay sumisimbolo sa pera at kayamanan. Dahil mahina ang Water element sa taong ito, inaasahang magiging mahina rin ang daloy ng kita at earnings. Ibig sabihin, mas magiging hamon ang paghawak at pagpapalago ng pera.
Dahil hindi balanse ang chart ng 2026, nagiging mas impulsive at emosyonal ang mga tao, mabilis magdesisyon, mabilis mapagod, at madaling ma-burn out.
Ang Blue ang itinuturing na lucky color sa taong ito. Dahil sa sobrang bilis ng enerhiya ng taon, inaasahang magiging fast-changing year ang 2026. Maraming biglaang pagbabago sa personal na buhay, trabaho, at maging sa global na eksena. Hindi rin inaalis ang posibilidad na tensyon o digmaan sa iba’t ibang panig ng mundo, bagama’t umaasa ang marami na hindi ito mangyari.
Pagdating naman sa kalusugan, binibigyang babala na mas magiging sensitibo ang kondisyon ng mga ama, lolo, matatanda, pati na rin ang mga ipinanganak sa Year of the Dog at Year of the Pig. Mas lapitin sila ng karamdaman sa 2026 kaya mariing paalala ang regular na pagpapatingin sa doktor at huwag ipagsawalang-bahala ang mga sintomas. Inaasahan ding tataas ang antas ng anxiety at stress ng maraming tao.
Nagbabala rin ang mga eksperto laban sa mga madaliang weight loss programs, bagong anti-aging resolutions, at mga hindi pa subok na health trends. Posible ring magkaroon ng mga bagong development kaugnay ng cancer at iba pang malulubhang sakit, kaya mahalaga ang tamang impormasyon at pag-iingat. Dapat ding bantayan ang pagdami ng respiratory illnesses, lalo na sa mga mahina ang resistensya.
Sa usapin ng career at trabaho, inilalarawan ng Feng Chui expert ang 2026 bilang isang very competitive year. Malakas ang energy ng lahat kaya kung masyadong mabagal, kampante, o kontento na lamang, may posibilidad na maiwan o maalis sa puwesto.
Paalala ni Master Hanz Cua, maging agresibo sa work environment, paghusayin ang sarili, mag-aral ng bagong skills, at matutong sumabay sa tamang timing.
Para sa mga negosyante, inirerekomenda ang paglalagay ng horse display sa mga establisyemento bilang simbolo ng bilis, lakas, at tagumpay.
Samantala sa aspeto naman ng ekonomiya at politika, posible umanong makaranas ng financial crisis sa 2026, habang nananatiling unstable ang political climate sa iba’t ibang bansa. Dahil dito, pinaaalalahanan ang publiko na maging extra cautious sa pag-iinvest, dahil inaasahang dadami ang scams at panlilinlang.
VIA – BOMBO MARJORIE DELA CRUZ











